Kinilala ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mahalagang papel ng mga public servant, mga nasa likod ng rescue at relief operations sa panahon ng kalamidad, community volunteers, medical at essential frontliners, mga tapat na opisyal sa local at national levels, sa tunay na people power sa pang-araw na araw na pamumuhay ng mga Pilipino.
Sa kaniyang mensahe para sa ika-36 na anibersaryo ng people power revolution ngayong araw, binigyang diin ng pangulo na mahalagang tularan ng bawat isa ang kabayanihan, walang pag-iimbot, hindi makasarili at may simpatiyang mga kababayan natin, habang patuloy tayong bumabangon sa mga kasalukuyang hamon ng sitwasyon tungo sa mas magandang bayan para sa lahat.
Ayon sa pangulo, 36 na taon na ang nakalipas subalit nananatiling malinaw sa ating kaisipan ang mga pangyayari ng people power revolution, kung saan miilyon milyong mga Pilipino ang nagtipon tipon sa Edsa para bawiin ang demokrasya.
Ang okasyong ito aniya ay isang malinaw na paalala na kung may pagkakaisa, at pananampalataya, walang bagay na hindi makakamit nang sama-sama para sa ikabubuti ng ating bansa.