LEGAZPI CITY – Inihahanda na ng barangay officials ng Concepcion sa Virac, Catanduanes, ang kasong isasampa laban sa isang medical center na itinuturong responsable sa pagtatapon ng mga medical waste sa kanilang baybayin.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Kapitan Antonio Arcilla, ikinadisyama nito ang pagkakadiskobre ng tambak ng medical waste sa kanilang lugar kagaya ng face mask, gloves, syringe, blood collection tube at maging test kits.
Dahil dito, agad na ipinatawag ng barangay sa pamamagitan ng special session ang Excel Care Diagnostic & Wellness Center kung saan sinasabing galing ang mga basura kasama na rin ang kinatawan ng Department of Environment and Natural Resources.
Iginiit umano ng center na disinfected na ang naturang mga basura subalit hindi naman maipaliwanag kung bakit itinapon lang sa lugar ang medical waste, dahilan para manindigan ang barangay na sasampahan ito ng kasong paglabag sa Republic Act 6969 o “Toxic Substances and Hazardous and Nuclear Wastes Control Act of 1990.”
Sa ngayon, natanggal na ang mga medical waste na inilagay sa container truck at ipinasa sa local government unit para sa proper waste disposal.
Samantala, naka-isolate ang kapitan matapos na magpositibo sa Coronavirus Disease ang isa sa mga nakausap na representante ng center sa mismong araw ng special session.