-- Advertisements --

cayetano1

Mariing kinondena ni Taguig City Mayor Lino Cayetano ang ginawang pagnanakaw ng apat na miyembro ng Taguig PNP na inaresto din ng kanilang kabaro sa Pasig City noong December 18, 2021.

Dahil dito, ipinag-utos ni Cayetano sa Taguig PNP na makipag-cooperate sa gagawing imbestigasyon.

Inatasan din ni Mayor Cayetano ang pagbuo ng Special Investigation Committee para imbestigahan ang insidente lalo at may isang empleyado ng Taguig local government ang sangkot sa insidente.

Dahil dito nanawagan si Cayetano ng full investigation hinggil sa robbery incident.

Tinawag ng alkalde ang insidente na “deplorable and will not be tolerated.”

Inaresto ang mga nasabing police scalawags ng mga rumispondeng tauhan ng Pasig at Makati PNP.

Nakilala ang mga sangkot na pulis na sina Staff Sgt. Jayson Bartolome, Cpl. Merick Desoloc, Cpl. Christian Jerome Reyes, at Pat. Kirk Joshua Almojera.

Ang apat na pulis ay kabilang sa walong suspeks na sangkot sa pagnanakaw sa Barangay Kapitolyo bandang alas-12:10 ng madaling araw noong Sabado kung saan ninakawan ng mga ito ang mag-live in partner na sina Joana Marie Flores Espiritu, 26, at Japanese Kani Toshiro, 42.

Dahil dito, inatasan ni Cayetano ang Taguig police chief na tignan lahat ang kaniyang personnel at linisin ang hanay nito laban sa mga police scalawags.

Hiniling din ng alkalde ang agarang reshuffle o balasahan sa Taguig PNP habang gumugulong ang imbestigasyon.

Siniguro ng alkalde na mananagot daw ang sinumang empleyado ng Taguig local government na sangkot sa anumang iligal na aktibidad at sinuman na gagawa ng kabalastugan sa siyudad anupaman ang estado nito.

Ayon sa alkalde ang insidente ay magsisilbing “strong warning” sa mga masasamang elemento na nambibiktima ng mga inosenteng sibilyan.

Pinuri naman ni Cayetano ang Makati at Pasig Police sa matagumpay na pag-aresto.

Samantala, kinasuhan na ang apat na pulis at ang kasabwat nilang sibilyan kaugnay ng pagnanakaw ng mga ito ng ₱30 milyon.

Ayon kay Pasig police chief Col. Roman Arugay, kasong robbery ang isinampa laban sa apat na pulis na pawang nakatalaga sa Taguig City Police Station at si AJ Mary Agnas na staff ng mag-partner na complainant.

Kanya namang sinabi na nagpapatuloy ang pursuit operations sa dalawa pang suspek na nakatakas na sina Ferdinand Fallaria na dating pulis na nakatalaga sa NCRPO at isang Rowel Galan.

Sa nasabing insidente, nagkaroon ng engkwentro na ikinasawi ng isang suspek na si Jhon Carlo Atienza at ikinasugat ng rumespondeng pulis na si Staff Sgt. Jayson Bartolome.

Sa ngayon, sinibak na sa pwesto ang apat na pulis alinsunod sa utos ni PNP chief General Dionardo Carlos.

Damay din sa pag alis sa pwesto ang commander ng Sub-Station 1 ng Taguig City police na si police Major Balgemino habang nagpapatuloy ang imbestigasyon.

Mahaharap din sa kasong administratibo ang apat na pulis.