
Humingi ng paumanhin ang pamunuan ng Maynilad sa mga water concessionaire matapos sumabog ang kanilang water valve o linya ng tubig sa Ramon Magsaysay sa Sta Mesa sa Maynila.
Ayon kay Jennifer Rufo, head ng Corporation Communications ng Maynilad, may kalumaan na raw ang nasiran valve.
Ang linya ng tubig ay naka-schedule naman daw talagang tanggalin sa unang bahagi ng susunod na taon dahil itinuturing itong redundant line o hindi na kailangan para mag-supply pa ng tubig sa ibang lugar dahil mag bago nang linya ng tubig.
Pero inabutan na ito ng pagkasira at apektado nito ang mahigit 235,000 na consumers.
Tiniyak naman ng Maynilad na magsu-supply muna sila ng tubig gamit ang kanilang delivery trucks sa mga apektadong residente.
“It’s really up for decommissioning na rin, napangunahan lang tayo na nag-break siya sa ngayon so ire-repair po natin siya… Sa ngayon ang naapektuhan ‘yung banda south area mga 235,000 water service, water connections po ito sa ilang lugar po ng Manila, Makati, Parañaque, at Cavite,” wika ni Rufo.
Kaninang umaga nang nagdulot ng perwisyo sa mga motorista ang pagsabog ng water valve.

Pagkakataon naman ito para samantalahin ng mga kabataan na maligo sa tubug habang hindi pa ito humuhupa.
Umabot sa dalawang talampakan ang taas ng tubig at naapektuhan nito ang libo-libong residente sa lugar.
















