-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Ibinunyag ng Presidential Anti-Corruption Commission (PACC) na bago pa man matuklasan ang “pastillas modus” na kinasangkutan ng ilang Bureau of Immigration (BI) officials, ay may ibang pinasibak na.

Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PACC Commissioner Manuelito Luna, may kinalaman ito sa alegasyon ng pangingikil sa mga Korean national.

Nasa 15 umanong “VIP agents” ang pinatanggal, habang may ilan pang iniimbestigahan na iniuugnay naman sa iba pang isyu ng graft and corruption.

Ayon pa kay Luna, matagal nang isyu ang money laundering sa naturang kagawaran kaya’t nauna na silang nagsiyasat.

Nakakalap na rin aniya ang PACC ng mga mahahalagang dokumento at ebidensya sa pagdedesisyon kung ano ang magiging rekomendasyon sa mga iligal na Philippine Offshore Gaming Operations at sa nagsanga-sanga nang problema.

Sakaling makompleto na ang ulat, posibleng maisumite na ito ng PACC sa en banc ngayong linggo.