-- Advertisements --

BACOLOD CITY – Inilipad sa pribadong ospital sa Manila ang matriarch ng pinakamalaking bus company sa bansa na si Olivia Villaflores Yanson (OVY) makaraang mahawaan ng coronavirus.

Unang kinumpirma ng kanyang anak na si Ginnette Yanson-Dumancas na nagpositibo sa coronavirus ang kanilang 86-anyos na ina.

Ayon naman sa tinaguriang Yanson 4 na si Roy, Ricardo Jr., Emily at Celina Yanson-Lopez, dinala sa ospital sa Bacolod City ang kanilang ina nitong Sabado ngunit in-airlift ito sa Manila matapos mahirapang huminga.

Sa ngayon, ginagamot sa St. Luke’s Medical Center si OVY at sinabi ng Yanson 4 na wala silang direktang komunikasyon sa kanilang ina.

Nabatid na hindi maganda ang relasyon ng Yanson matriarch sa kanyang apat na anak mula noong nakaraang taon.

Kung maaalala, pinatalsik ang kapatid na si Leo Rey bilang presidente ng Yanson Group of Bus Companies na nagresulta sa matagal na tensyon sa mga terminal at opisina ng Vallacar Transit Incorporated sa Negros Occidental at Negros Oriental.

Pero nilinaw ng Yanson 4 na kahit nagpapatuloy ang legal battle laban sa kanilang ina, ay ikinalulungkot din nila ang pagkakasakit nito. Katunayan ay nagpadala na rin sila ng mensahe at umaasang makakarating ito sa kanya.

Nakahanda naman ang mga ito na isantabi ang kanilang alitan alang-alang sa kanyang kalusugan.