Hiniling ng kampo ni dating House Speaker Ferdinand Martin Romualdez sa Ombudsman na maging patas at bigyan siya ng pagkakataong tumugon sa anumang bagong alegasyon laban sa kanya kaugnay ng flood control scam.
Ayon kay Atty. Ade Fajardo, tagapagsalita ni Rep. Romualdez, nais nilang malaman kung may mga bagong pahayag si dating DPWH Secretary Manuel Bonoan o ang 28 bagong testigo na nag-uugnay sa dating Speaker sa isyu.
Sinabi ni Fajardo na dapat ibigay sa kanilang kampo ang sapat na oras para sumagot habang nasa preliminary investigation pa lamang ang kaso, at hindi lamang kapag naisampa na ito sa korte.
Kung maalala, noong Agosto 20, nagsumite si Romualdez ng supplemental affidavit at hiniling na itigil ang imbestigasyon laban sa kanya.
Ipinunto ng dating speaker ang pagbawi ng mga alegasyon ng limang tinaguriang “Maleta Boys,” kabilang si Orly Guteza, na unang nagbigay ng testimonya laban sa kanya.
Batay sa naging testimonya ni Guteza, pinilit siyang gumawa ng mga pahayag laban kay Romualdez.
Iginiit ng kampo ni Romualdez na matapos ang mga pagbawi ng testimonya at mga pahayag ng 25 kasamahan ng mga testigo, wala nang sapat na kredibleng ebidensiya laban sa dating Speaker.
Sinabi rin ni Atty. Fajardo na wala pa ring opisyal ng DPWH, kabilang si Bonoan, ang direktang nag-akusa kay Romualdez na sangkot sa flood control scam o sa anumang maanomalyang proyekto.
















