Tinawag na “ironic” ni House prosecution panel spokesperson at Lanao del Sur Rep. Zia Alonto Adiong ang pahayag ni Vice President Sara Duterte na nangangamba siya para sa kanyang kaligtasan at seguridad ng kanyang pamilya.
Ayon kay Adiong, hindi umano tugma ang pahayag ni Duterte sa sitwasyon nito dahil humaharap ang bise presidente sa tatlong bilang ng grave threats matapos ang mga pahayag nitong 2024 na may nakausap siyang isang tao upang ipapatay sina Pangulong Ferdinand Marcos Jr., First Lady Liza Araneta-Marcos at dating House Speaker Martin Romualdez sakaling siya ay mapatay.
Nagpiyansa si Duterte ng P360,000 noong Sabado sa Quezon City court, isang araw matapos maglabas ng arrest warrant laban sa kanya.
Bago pumasok sa Quezon City Hall of Justice, sinabi ni Duterte na hindi siya nagtitiwala sa pulisya at natatakot siya para sa kanyang seguridad at ng kanyang pamilya. Sinabi rin niyang nakararamdam na siya ng kawalan ng seguridad mula pa noong 2023 dahil sa umano’y harassment na nararanasan ng kanyang pamilya.
Kinuwestiyon ito ni Adiong at sinabing tila siya pa ang nagmumukhang biktima gayong siya ang nahaharap sa kasong may kaugnayan sa pagbabanta.
Napansin din ng mambabatas ang kilos at pananalita ni Duterte habang kinakausap ang kanyang mga abogado, na aniya ay hindi nagpapakita ng isang taong labis na natatakot para sa kanyang buhay.
Dahil dito, sinabi ni Adiong na hindi umano kapani-paniwala ang pahayag na matagal nang nakatatanggap ng banta si Duterte, lalo’t siya mismo ang kinasuhan dahil sa umano’y pagbabanta laban sa Pangulo at iba pang opisyal.
Gayunman, binigyang-diin ni Adiong na dapat pa ring seryosong imbestigahan ang anumang aktuwal na banta laban sa bise presidente at sa kanyang pamilya.
Samantala, sinabi ng Philippine National Police na wala itong natanggap na impormasyon o ulat tungkol sa anumang banta laban kay Duterte at sa kanyang pamilya.
Ayon kay PNP Chief PGen. Jose Melencio Nartatez Jr., patuloy namang mino-monitor at ina-assess ng pulisya ang sitwasyon upang matiyak ang seguridad ng bise presidente.
















