LEGAZPI CITY – Umapela ang alkalde ng Cataingan, Masbate kay Pangulong Rodrigo Duterte na matulungan ang bayan na mapalitan ang naubos nang calamity fund upang may mailaan sa iba pang kalamidad na posibleng makaapekto sa bayan.
Ang naturang lugar ang epicenter ng Magnitude 6.6 na lindol na tumama sa island province.
Sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Mayor Felipe Cabataña, kahit nasa P130 million ang tinitingnang napinsala sa sektor ng imprastraktura sa bayan, hiling nitong maunang maibalik ang P7 million na calamity fund.
Malaki umanong halaga sa pondo ang ginamit sa coronavirus response sa pagpapagawa ng quarantine at isolation facilities at gamot habang nagalaw na rin maging ang alokasyon para sa bagyo bilang paunang tulong sa mga biktima ng lindol.
Hindi hangad subalit kung sakaling may dumaang bagyo ayon sa alkalde, mapipilitan munang mangutang sa bangko dahil wala nang mapagkukunan ng pera.
Samantala, nagpasalamat naman ito sa tulong ng mga national government agencies at ilang senador na nagpadala ng food packs at cash assistance sa ilang residente.