-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Kinumpirma ng City Disaster Risk Reduction Management Office (CRMMO) na nakapagtala na ng pinakaunang COVID-19 related death ang Masbate City.

Ito ay matapos bawian na ng buhay si Bicol No. 1494, isang 91-anyos na babae na returning patient mula Cavite.

Ayon kay CDRRMO Head Isaias Bigol sa panayam ng Bombo Radyo Legazpi, agad na na-admit sa COVID ward ng provincial health office ng Masbate ang pasyente ng dumating matapos makitaan ng sintomas ng virus.

Napag-alaman na positibo ito sa sakit nang lumabas ang COVID-19 test result.

Sinabi pa ni Bigol, wala namang dapat na ipangamba ang mga residente dahil nag-iisang close contact lang nito ay ang kasamang nagbabantay sa ospital na negatibo naman sa sakit.

Samantala, dahil sa kawalan ng crematorium sa lugar, inilibing na lang ang pasyente sa LGU cemetery ng naaayon sa ipinapatupad na health protocols.