-- Advertisements --
centinos

Inihayag ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff Gen. Andres Centino na posible pang masundan ang pinakamalaking joint military exercise sa pagitan ng Pilipinas at Amerika sa susunod na taon.

Ito ang inihayag ni Centino kasunod ng opisyal na pagsasara ng ika-38 Balikatan Exercises 2023 sa pagitan ng dalawang bansa na tumagal nang halos tatlong linggo.

Pag-amin niya, ngayon pa lamang ay pinagpaplanuhan na nila ang susunod na iteration ng dalawang bansa na target nilang idaos sa susunod na taon.

Dagdag pa rito, ang 17,600 aniya na kasundaluhang lumahok sa ginanap na joint military exercises ngayong taon ay posible pang madagdagan kung kinakailangan.

Bukod dito ay sinabi rin ni Centino na bukas sila na makasama sa pagsasanay ang iba pang tropa ng militar mula sa iba pang allied countries ng Pilipinas.

Samantala, sa ngayon ay pinag-aaralan pa aniya ng mga kinauukulan ang pagbili ng mga bagong mga high powered equipment and weapons na ginamit sa Balikatan Exercises ngayong taon.

Kung maaalala, kahapon ay pinangunahan ni Centino kasama sina Department of National Defense Senior Usec. Carlito Galvez Jr., US Ambassador to the Philippines Marykay Carlson, US Indo-Pacific Commander Admiral John Aquilino, at ang mga exercise directors ng dalawang bansa ang closing ceremony ng ika-38 Balikatan Exercises 2023 sa Camp Aguinaldo, sa bahagi ng Quezon City.

Dito ay ipinamalas ng mga tropa ng Pilipinas at Amerika ang pagtutulungan ng isa’t isa para sa mas pagpapalakas pa ng kanilang kakayahan pagdating sa iba’t-ibang uri ng hamon.

Kung saan maraming aktibidad ang kanilang isinagawa sa unang pagkakataon kabilang na ang joint littoral live fire exercises, coastal defense live fire, at cyber defense exercises kung saan ilan pa sa mga ito ay dinaluhan at sinaksihan mismo ng Punong Ehekutibo na si Pangulong Ferdinand Marcos Jr.