Ikinokonsidera ni Senate committee on local government chairman Sen. Francis Tolentino na lumikha ng mas mahigpit na mga hakbang para labanan ang pagkalat ng “fake news” sa panahon ng kalamidad.

Ayon kay Tolentino sa panayam ng Bombo Radyo, mas matindi ang epekto ng fake news kapag ganitong panahon dahil tuliro ang mga tao, nababahala at natatakot.

Lumalabas kasing may mga lumilikas sa panahon ng disaster dahil lamang sa mga maling impormasyon na kumakalat sa text o kaya sa social media.

May mga pagkakataon pa na inaatake ng sakit o kaya ay depresyon ang nakakatanggap ng maling balita ukol sa kanilang mga kaanak, ngunit kalaunan ay matutuklasang hindi pala tunay na impormasyon ang kanilang nasasagap sa internet.