Matibay ang paninindigan ng House of Representatives sa likod ni Speaker Martin Romualdez, na muling inatake dahil sa kanyang pagsusulong ng mga programa na makatutulong sa mga Pilipinong nangangailangan.
Ginawa ni Abante ang pahayag matapos atakehin ni Sen. Imee Marcos si Speaker Romualdez at First Lady Liza Araneta Marcos sa isang pagtitipon sa Malaysia, kung saan kanyang nakasama si Vice President Sara Duterte.
Batay sa naging pahayag ni Sen. Marcos na sayang lang ang pera ng gobyerno na ibinibigay bilang ayuda.
Nilinaw ni Abante na ang ayudang naipapamahagi sa mga mahihirap na pamilya ay dumaraan sa tamang proseso, may dokumentasyon, at may malinaw na benepisyaryo. “May resibo, may proseso, may diretsong patutunguhan. Hindi ito isinusubo sa personal na bank account.”
Sa kabilang banda, binigyang-diin ni Abante na ang tunay na isyu ay ang pang-aabuso sa pondo ng bayan gaya ng kuwestyunableng paggastos ng confidential at intelligence funds gayundin ang hindi pagdedeklara ng mga bank account kung saan nakatago milyun-milyong salapi.
“Habang ang iba ay abala sa pag-iikot abroad, sa media appearances, at tila maagang kampanya, si Speaker Romualdez ay patuloy na nagtatrabaho, naghahain ng batas, nagbabantay ng pondo, at nagdadala ng tulong sa nangangailangan,” ani Abante.
Binigyang-diin rin ng tagapagsalita na wala pang inanunsyong plano si Speaker Romualdez para sa 2028 elections, at hindi siya naghahanap ng media exposure o viral na kasikatan gaya ng ginagawa ng iba.
Kinuwestiyon din ni Abante ang posibleng motibong politikal sa likod ng mga pag-atake.
“Hindi ba kayo nagtataka kung bakit pinupuntirya si Speaker, gayong wala naman sa survey para sa 2028? Baka ginagamit lang siya para mang-intriga, manira, at makuha ang atensyon ng publiko,” dagdag pa ni Abante.
Para sa mga kritiko, ito ang huling mensahe ng Kamara: “Habang abala kayo sa pagpapatawa at paninira, kami po ay abala sa trabaho. Tahimik man kami hindi kami bulag. At hindi kami pipikit sa harap ng katiwalian. Trabaho, hindi drama.”