Hahanapan ng diplomatikong solusyon ng pamahalaan ang mga problema at hamon na kinakaharap nito sa bahagi ng West Philippine Sea.
Isa na dito ang pagpapalakas sa maritime domain awareness ng bansa bilang countermeasures sa agresibong aksiyon ng China sa West Philippine Sea.
Nilinaw naman ni National Security Council (NSC) Assistant Director General Jonathan Malaya na ang counter response ng pamahalaan laban sa peligrosong aksiyon ng China Coast Guard laban sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea ay hindi purely military action kundi isa itong “multidimension” na aspeto.
Aniya ibang usapan na kasi kapag mayruon ng armadong pag-atake.
Siniguro naman ni Malaya sa publiko na gagawin ng gobyerno ang lahat ng diplomatic measures para harapin ang agresibong aksiyon ng China.
Pinatitiyak naman ni Pang. Ferdinand Marcos Jr na ang ipatutupad na countermeasures ng pamahalaan ay proportionate, deliberate at makatwirang tugon.
Hindi lamang sa aspetong pagpapalakas sa ating military at defense capabilities kasama ang mga kaalyado at kaibigang bansa kundi gagawin ang lahat ng paraan sa pamamagitan ng diplomatikong pag-uusap para resolbahin ang hindi pagkaka-intindihan.
Ayon kay Malaya, nakahanda ang pamahalaan para ipaglaban ang maritime rights and entitlements ng Pilipinas sa West Philippine Sea at sa iba pang bahagi ng archipelago.