Binabantayan ng Maritime Industry Authority (MARINA) ang pinaniniwalaang pagakakatigil ng limang (5) Philippine-flagged vessel sa mga danger zone sa Middle East.
Hindi na nakabiyahe pa ang mga ito mula nang nagsimula ang giyera sa Gitnang Silangan noong pagtatapos ng buwan ng Pebrero.
Ang limang barko ay mula sa 16 na oil at chemical tankers na nakabase sa Pilipinas na kasalukuyang nago-operate sa iba’t-ibang panig ng mundo.
Paliwanag ni MARINA spokesperson, Director Luistro Delos Santos, nagpadala na ng komunikasyon si Administrator Sonia Malaluan sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang payagan ang mga naturang barko na ligtas na makadaan sa mga naturang ruta.
Bagaman hindi kinumpirma ni Dir. Delos Santos kung ang mga ito ay nakatigil sa Strait of Hormuz, sinabi niyang agad nagpadala ng komunikasyon ang MARINA matapos pumayag ang Iran na makadaan ang mga sa naturang katubigan ang mga barkong patungo sa Pilipinas.
Sa kasalukuyan, nakikipag-ugnayan ang MARINA sa mga tanker para sa malaman ang kanilang estado at sitwasyon matapos ang ipinadalang komunikasyon.
Bagaman Philippine-flagged ang mga naturang barko, sinabi ng opisyal na hindi Pilipinas ang destinasyon ng mga ito at sa halip ay sa ibang bansa tulad ng China.
Samantala, batay sa monitoring ng ahensiya, nasa ligtas namang kalagayan ang mga crew ng mga limang barko na nananatili sa mga karagatang dati nang idineklara bilang danger zone.
















