Dumepensa si Mariel Padilla sa kanyang asawang si Senador Robin Padilla matapos kumalat online ang isang video kung saan makikitang tila nag-dirty finger umano ito habang inaawit ang pambansang awit sa Senado.
Ayon kay Mariel, hintuturo ang iniunat ng senador at hindi middle finger, taliwas sa akusasyon ng ilang netizens at isang pahayan.
Paliwanag niya, ito ay bahagi ng pananampalataya ng Islam ni Robin, kung saan sinasambit nito ang Kalima – ang deklarasyon ng pananampalataya ng mga Muslim – bilang pagpapakita ng debosyon kay Allah.
‘My husband is a devout Muslim and a proud Filipino. During the national anthem, he recites the Kalima – the Muslim declaration of faith, affirming his devotion to Allah. This is not an act of disrespect but a personal expression of faith, while at the same time standing in honor of our country,’ caption post ni Mariel.
Nilinaw din ni Mariel na walang nilabag na batas si Robin, batay sa Republic Act No. 8491 ukol sa wastong paggalang sa pambansang awit.
Sa isang Facebook Live, una nang iginiit ni Senador Padilla na ang pagtaas ng hintuturo ay simbolo ng paniniwalang “walang ibang diyos maliban kay Allah” at hiniling na huwag itong gawing biro o isyu ng pambabastos sa watawat.
Magugunitang si Robin Padilla ay matagal nang Muslim mula pa noong siya’y nakulong sa kasong illegal possession of firearms noong dekada ‘90.