-- Advertisements --

Bukas ang administrasyong Marcos Jr. sa posibilidad na gawing opsyonal na lamang ang pagsusuot ng facemask sa Pilipinas.

Ngunit nilinaw ni President Bongbong Marcos na ito ay kapag dumating na ang panahon na tiyak nang ligtas itong gawin, tulad ng kaniyang pangakong hindi na magpapatupad ng mahigpit at malawakang lockdown sa bansa.

Ayon sa pangulo, para makamit ito ay kinakailangan nating muling simulan ang rollout ng mga bakuna kontra COVID-19.

Paliwanag niya, ang matagumpay na bakunahan daw kasi ng booster shot ang susi upang tuluy-tuloy na ang muling pagbubukas ng mga negosyo sa bansa na hudyat naman ng muling pagbangon ng ating ekonomiya mula sa kalugmukang idinulot ng COVID-19.

Ipinahayag ito ni PBBM sa kaniyang virtual message sa mga alkalde at gobernador habang naka-isolate matapos na magpositibo sa nasabing sakit.

Samantala, bukod dito ay binigyang-diin din ng presidente ang kahalagahan ng pagpapaigting ng bakunahan ng booster shot sa mga bata ngayong pina-plano na rin ng kaniyang administrasyon ang pagpapatupad ng full implementation ng resumption ng face-to-face classes sa susunod na pasukan.