Todo pasalamat si Pinoy boxer Eumir Marcial sa Philippine Sports Commission (PSC) dahil sa solidong suporta ng ahensya sa kanyang karera bilang boksingero.

Bilang ganti, nangako si Marcial na hindi uurong sa Olympics kahit ito’y maging professional boxer na.

Batay sa ulat, nalalapit na ang paglagda ni Marcial sa promotional outfit na pag-aari ni Sen. Manny Pacquiao.

Sa kabila nito, nababahala ang Olympic-bound boxer na baka matanggal na ang kanyang allowance mula sa PSC sa oras na maging pro-boxer na ito.

Bunsod nito, agad na pinawi ng PSC ang pagkabahala ni Marcial dahil tuloy pa rin umano ang kanyang allowance basta’t naghahanda ito para sa Tokyo Games sa susunod na taon.

Aminado naman si Marcial na bagama’t seryoso siya sa pagiging pro-boxer, hindi pa rin daw nawawala ang kanyang pangarap na magwagi sa Olimpiyada.