Ngayon pa lamang ay nagpahayag na ng pagiging kontento ang Filipino singer na si Marcelito Pomoy sa nakamit bilang grand finalist sa 2020 America’s Got Talent (AGT): The Champions.
Pahayag ito ng 35-year-old Filipino singer mula Surigao del Sur, isang araw bago ang finale ng AGT-The Champions bukas ng umaga (Manila time).
Para kay Pomoy, manalo man o matalo ay isang karangalan na ang mga pangyayari sa kanyang buhay.
Kung maaalala, kapwa standing ovation si Pomoy sa mga naging performance nito sa AGT. Una ay ang rendisyon nito sa trademark nitong duet na “The Prayer” na nagdala sa kanya sa semi-finals. Sunod ang “Con Te Partirò” o “Time to Say Goodbye” ni Andrea Bocelli na nagpasok sa kanya sa grand finals.
Samantala, kabilang sa makaka-showdown ni “Mars” Pomoy sa grand finals ay ang German singer/dancer na si Hans, violinist na si Tyler Butler-Figueroa, dog trainer act na si Alexa Lauenburger, circus performer na Sandou Trio Russian Bar, at acrobatic pair na Duo Transcend.
Haharapin nilang lahat ang apat na “golden buzzer” acts o yaong otomatikong pasok bilang grand finalist na sina Angelina Jordan, Boogie Storm, V. Unbeatable, at Silhouettes.
Ang “Pilipinas Got Talent” second season grand champion na si Pomoy ay nakilala sa kaniyang “doble-kara” talent, kung saan kumakanta siya ng boses ng babae at lalaki para sa iisang awitin.
Una siyang nakilala sa labas ng bansa sa pagkakaroon ng “golden female voice” ay nang maging guest sa “The Ellen DeGeneres Show” noong 2018.