-- Advertisements --
image 345

Tuloy-tuloy na raw ang pakikipag-ugnayan ng Manila International Airport Authority (MIAA) sa mga airline agents para sa kanilang offer na rebooking sa mga pasaherong hindi nakabiyahe matapos manalasa sa Metro Manila ang bagyong Paeng kagabi.

Ayon sa pamunuan ng MIAA, mayroon rebooking na alok ang mga carriers matapos maapektuhan ang mahigit sa 40,000 air travellers.

Nag-offer na rin daw sila ng hotel accommodations sa mga nakarating na sa paliparan nang mas maaga sa kanilang scheduled flight pero mas marami raw ang mga pasaherong ninais na lamang na manatili sa loob ng mga terminal.

Sa data mula sa MIAA, kabuuang 295 flights sa 618 scheduled flights ang kinansela dahil sa Tropical Storm Paeng.

Nasa kabuuang 43,151 pasahero rin ang apektado rito.

Kasunod na rin ito ng pagsasara ng MIAA ng kanilang runway facilities dakong alas-4:00 kahapon dahil sa malakas na hangin.

Saka lamang ito binuksan dakong alas-10:00 ng gabi dahil sa paparating na Oman Air flight mula Muscat.