CENTRAL MINDANAO – Malubha ang kalagayan ng isang mangingisda nang masabugan ito ng dinamita sa probinsya ng Maguindanao.

Nakilala ang biktima na si Usman Tagani, 41, may asawa at residente ng Parang, Maguindanao.

Ayon kay Maguindanao PNP provincial director, P/Col. Ronald Briones, habang nangingisda ang biktima sa Bongo Island sa bayan ng Parang ay gumamit ito ng dinamita.

Nang sindihan na ni Tagani ang dinamita at akmang ihahagis sa karagatan ay bigla itong sumabog.

Putol ang kamay ng biktima at nagtamo pa siya ng matinding sugat sa mukha at dibdib.

Agad dinala ang mangingisda ng kanyang mga kasamahan sa Parang District Hospital ngunit agad itong inilipat sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City at nasa maselang kondisyon.

Sa ngayon ay nagpapatuloy pa ang imbestigasyon ng Parang PNP at Maritime PNP sa naturang pangyayari.