-- Advertisements --

Iginiit ni House Committee on Public Accounts Chairman Terry Ridon na hindi dapat maantala o matigil ang isinasagawang imbestigasyon ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) at ng Ombudsman hinggil sa mga alegasyon ng korapsyon sa mga proyekto na may kinalaman sa flood control .

Punto nito na dapat magpatuloy ang imbestigasyon kahit pa nagbitiw na sa kanilang mga tungkulin ang ilang matataas na opisyal ng pamahalaan na posibleng sangkot sa nasabing mga proyekto.

Ang pahayag na ito ni Ridon ay kasunod ng pagtanggap ni Pangulong Ferdinand R. Marcos Jr. sa mga resignation letter na isinampa nina Executive Secretary Lucas Bersamin at Budget Secretary Amenah Pangandaman.

Kinumpirma ng Malacañang na ang pagbibitiw ng dalawang opisyal ay base sa prinsipyo ng delicadeza.

Ayon sa palasyo, layunin ng kanilang pagbibitiw na bigyang-daan ang isang malaya, walang kinikilingan, at objective na imbestigasyon hinggil sa nasabing usapin ng korapsyon.

Sa kabilang banda, mariing sinabi ni Ridon na tungkulin at responsibilidad ng ICI at ng Ombudsman na tiyakin na masusing babantayan at sisiyasatin ang posibleng papel at pananagutan ng mga nag-resign na opisyal sa mga kontrobersyal na proyekto.

Dagdag pa niya, dapat ding imbestigahan ang iba pang mga pangalan na nagmula sa sangay ng ehekutibo na lumutang at nabanggit sa affidavit at sa testimonya ni dating DPWH Undersecretary Roberto Bernardo kaugnay ng mga alegasyon ng korapsyon.