-- Advertisements --

Sinuportahan ni House Deputy Minority Leader at kinatawan ng Mamamayang Liberal (ML) Partylist na si Leila de Lima ang panawagan ng iba’t ibang civil society organizations (CSOs) na bumuo ang pamahalaan ng isang open budget transparency server sa pakikipagtulungan ng media.

Ang panawagang ito ay naglalayong magkaroon ng mas malinaw at bukas na sistema sa pagsubaybay ng pambansang budget.

Sa isang pulong balitaan, mariing itinulak ng Social Watch Philippines, kasama ang People’s Budget Coalition, ang pagtatayo ng isang open budget transparency server.

Ang server na ito ay kahalintulad ng transparency server na ginagamit para sa resulta ng eleksyon, kung saan maaaring masubaybayan ang mga pagbabago, pagtanggal, at pagdaragdag sa National Budget.

Layunin nito na magkaroon ng mas detalyadong pagsusuri sa kung paano ginagastos ang pera ng bayan.

Binigyang-diin ni De Lima na ito ay pera ng taumbayan, kaya nararapat lamang na malaman nila kung ano ang nangyayari dito.

Dapat umanong malaman ng publiko kung saang serbisyo planong gamitin o ilipat ang pondo, lalong-lalo na upang maprotektahan ito at masigurong hindi mapupunta sa bulsa ng mga gahaman at mapagsamantala.

Ang transparency server na ito ay isang mahalagang hakbang upang labanan ang korapsyon at pang-aabuso sa pondo ng bayan.