Namomroblema pa rin ngayon ang mamamayan ng Texas dahil sa nararanasang water crisis matapos maibalik ang suplay ng kuryente sa halos dalawang milyong kabahayan.
Una nang inabisuhan ang nasa 13 milyong Texans, katumbas ito ng halos kalahati ng 29 milyong residente ng naturang estado na pakuluan muna ang tubig bago inumin.
Dahil sa nararanasang water crisis ay nakiusap si Texas Gov. Greg Abbott kay President Joe Biden na magdeklara ng major disaster sa nasabing estado.
Kailangan aniyang siguraduhin ng Texas na gagawin nito ang lahat upang maibalik ang suplay ng tubig sa mga kabahayaan.
Kaagad namang inaprubahan ni Biden ang emergency declaration para sa Texas, kasama na ang Oklahoma at Louisiana upang ilipat ang kanilang resources, supplies at equipment sa Texas.
Magpapadala naman ang Federal Emergency Management Agency (FEMA) ng 729,000 liters ng tubis sa Texas at ilang power generators para suplayan ng kuryente ang mga water treatment plants.
Sa ngayon nasa 36 na ang nasawi sa pananalasa ng deadly winter storm, habang halos 3,000 mga biyahe ng eroplano ang nakansela na.