-- Advertisements --

Nagbabala si House Ways and Means Committee Chair at Albay Representative Joey Salceda sa mga malalaking kumpanya ng mga meat products na sangkot sa pagbili ng mga smuggled products.

Sinabi ng mambabatas mahaharap sila sa kasong paglabag sa Anti-Fencing Law sa sandaling mapatunayang bumibili ang mga ito ng smuggled na produkto.

Ayon kay Salceda nakatanggap kasi sila ng impormasyon na ilang mga malalaking kumpanya ng meat brands ang umano’y bumibili ng produkto mula sa mga smuggler.

Binigyang-diin ni Salceda na kaniyang papangalanan at tutukuyin ang mga ito sa tamang oras.

Isinusulong din na amyendahan ang Implementing Rules and Regulations ng Customs Modernization and Tariff Act upang mapag-isa at mapalakas ang visitorial powers ng Kapulisan at ng Bureau of Customs.

Muli namang tinukoy ni Salceda ang Subic Port bilang isa sa pinagmumulan ng smuggled na karne.

Dagdag pa ng economist solon batay sa hawak nilang impormasyon, mas mababa sa itinakdang taripa ang sinisingil ng Subic Port kung saan nasa ₱100,000 per container van na imported meat lamang imbes na ₱800,000 per container van ang dapat na isisingil.

Siniguro din ng house panel sa pamunuan ng Subic Port na iisa-isahin ng kaniyang komite lahat ng produktong napaulat na ipinupuslit sa naturang pantalan.

Una nang ipinanawagan ni Salceda ang pagpapasara sa Subic Port hanggat hindi naaayos ng pamunuan ang isyu ng smuggling.