-- Advertisements --

Malaking dagok sa liderato ng New Peoples Army (NPA) ang pagkakahuli sa kanilang lider na si Jaime Padilla.

Ayon kay AFP Spokesperson BGen Edgard Arevalo, kawalan sa organisasyon ang pag aresto kay Padilla ng mga tauhan ng PNP CIDG kahapon sa San Juan City.

Si Padilla ang tagapagsalita ng NPA sa southern Tagalog.

Sinabi ni Arevalo malaki ang naging kontribusyon ng komunidad sa pagkakahuli kay Padilla kasama ang tatlong kasamahan nito.

Sa datos ng AFP sa kanilang kampanya laban sa insurgency mula January 1 hanggang November 20,2019, pumalo na sa 8,707 NPA ang na neutralize ng militar.

Umabot na rin sa 8,336 NPA members ang sumuko, nasa 1,537 na mga armas ang isinuko at 404 na mga IED.

Nasa 121 napatay sa operasyon, habang 250 ang naaresto ng militar.

Nasa 427 na mga kampo ng komunistang grupo ang nakubkob ng militar.

“It’s a major blow to the communist terrorist, dapat silang managot sa kasalanan sa batas. Yung tatlong kasama ni Padilla we will charge them with harboring a fugitive “, wika ni BGen. Arevalo.

Samantala, ayon naman kay NCRPO chief BGen. Debold Sinas nagpapatuloy ang kanilang imbestigasyon hinggil sa tatlong iba pa na nahuli kasama ni Padilla.

Ang suspek ay inaresto sa bisa ng warrant of arrest sa kasong murder at double murder laban kay Padilla , gumagamit ng mga alyas na Delio, Viernes , Sabado, Pandoy , Paolo, Dado, Johnny .

Arestado rin sa operasyon ang mga kasamahan nitong sina Rey Rafa , 30 taong gulang ng Calamba City, Laguna ; Jefren Banjawan, 26 ng Cabuyao, Laguna at Kay Ann Trogon, 27 taong gulang ng Sta Rosa, Laguna.

Sinabi ni Sinas na na-admit sa nasabing pagamutan si Padilla dahilan sa sakit nitong hypertension kung saan nagtatangka itong tumakas ng maaresto.

Isinailalim na sa kustodya ng PNP-CIDG-NCR si Padilla at tatlo nitong kasamahan na patuloy na sumasailalim sa masusing tactical interrogation.