-- Advertisements --

Nilinaw ng state weather bureau na bagamat matindi ang buhos ng ulang naitala sa Quezon City nitong Lunes ay hindi ito pareho ng mga pag-ulan noong nanalasa ang bagyong Ondoy noong 2009.

Base sa Science Garden Station ng weather bureau, nakapagtala ang Quezon City ng 201.7 millimeters (mm) na pag-ulan mula alas-9:00 ng umaga hanggang alas-2:00 ng hapon nitong Lunes.

Kung ikukumpara noong nanalasa ang bagyong Ondoy sa loob ng 24-hour period, naitala ng parehong station ang 455 mm na apag-ulan.

Saad pa ni weather bureau Administrator Nathaniel Servando na tuluy-tuloy ang mabibigat na pag-ulan sa loob ng anim na oras noong kasagsagan ng Ondoy kung saan nakapagtala ng 341 mm na ulan sa QC sa loob ng anim na oras.

Aminado naman si Servando na nakapagtala ng “surge” ng pag-ulan nitong Lunes, kung saan bumagsak ang mabibigat na pag-ulan sa tinatawag na five-hour window, bagamat humina ito makalipas ang isang oras ay muling naobserbahan ang surge dakong alas-2:00 ng hapon.

Nitong Lunes, nalubog sa mataas na tubig-baha ang ilang kalsada sa Metro Manila bunsod ng malalakas na buhos ng ulan dala ng habagat.

Tinataya naman ng weather bureau na patuloy na magpapaulan ang habagat sa maraming lugar sa bansa lalo na sa Luzon at Western Visayas.

Kaugnay nito, inaabisuhan ang publiko na mag-ingat sa posibleng mga pagbaha at pagguho ng lupa.