Nagpaalala pa rin ang gobyerno sa mga kababayang Muslim na ‘wag kakaligtaan ang pagsunod sa public health measures kaugnay sa selebrasyon ng Eid’l Adha sa darating na Sabado.
Una nang deniklara ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang araw ng Sabado, July 9, bilang regular holiday upang bigyang daan ang mga kababayang Muslim na alalahanin ang Eid’l Adha o kaya Feast of Sacrifice.
Ang declaration ay nakapaloob sa Proclamation No. 2 na pinirmahan ni Executive Secretary Victor Rodriguez.
Ito ay kasunod nang rekomendasyon ng National Commission on Muslim Filipinos sa pangulo na ideklarang national holiday ang July 9.
Sinasabing nasa mahigit six million ang mga kababayang Muslims sa Pilipinas.
Noon pang taong 2009 nang pirmahan ni President Gloria Macapagal-Arroyo ang Republic Act 9849 para sa observance ng Eid’l Adha na iba-iba ang petsa na nakabatay sa Islamic calendar.
Ang Eid’l Adha ay paggunita sa kahandaan ni Ibrahim, o kilala sa Jewish at Christian bible bilang si Abraham, na magsakripisyo para sa kanyang anak na si Ishmael bilang pagsunod sa kagustuhan ni Allah.