Nilinaw ng Phivolcs na hindi nagmula sa Taal Volcano ang haze na bumalot sa malaking bahagi ng Metro Manila ngayong araw.
Ang haze ay tinatawag ding “smog” o maruming hangin na dulot ng polusyon.
Paniwala ng ilang eksperto, ang pagluluwag sa quarantine restrictions ang isa sa dahilan kaya dumami na naman ang mga sasakyan sa kalsada na pawang nagbubuga ng usok.
Ayon kay Phivolcs Dir. Renato Solidum, bagama’t nakapagtala ng paglabas ng usok sa Taal nitong mga nakalipas na araw, hindi naman iyon umabot sa Metro Manila o iba pang bahagi ng ating bansa.
Sa kabila nito, nananatili naman ang babala ng ahensya sa mga nagpupumilit makabalik sa island volcano, na mariin itong ipinagbabawal.
Maging ang mga residenteng nasa paligit ng Taal Lake ay inaalerto rin sa mga posibleng abnormalidad pa ng nasabing active volcano.