CAUAYAN CITY- Umabot sa mahigit P20 million ng marijuana plants ang sinira ng mga awtoridad sa magkakahiwalay na operasyon sa Kalinga.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni PCol. Davy Vicente Limmong, Provincial Director ng Kalinga Police Provincial Office na mula noong April 1, 2021 ay nakapagsagawa na sila ng tatlong marijuana eradication at umabot sa P21 million ang halaga ng kanilang nasira.
Aniya, magkalapit lamang ang mga lugar na ito at katunayan noong 2016 ay may sinira nanaman silang marijuana plants sa mga naturang lugar maliban lamang sa bahagi ng Tabuk.
Dagdag niya na fully grown na ang mga naturang marijuana.
Ayon sa kanya, tulad ng mga nauna nilang operasyon ay wala rin silang nahuli kaya maaring pinapasyalan lamang ang mga ito at kung nandoon man sila ay nakaalis na bago pa man sila dumating dahil malayo ang lugar na aabot sa anim hanggang pitong oras kapag lalakarin.
Hinimok niya ang mga nagtatanim ng marijuana sa mga naturang lugar na sa halip na magtanim ng iligal ay palitan na lamang ng ibang pananim tulad ng gulay dahil hindi rin sila titigil hanggat hindi nasisira ang lahat ng taniman ng marijuana sa kanilang nasasakupan.