Ibinunyag ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) na hindi na nito makokolekta pa ang mahigit P2.2 billion unpaid dues mula sa kompaniya ng Philippine Offshore Gaming Operations (POGO) na nagsara na.
Ayon kay PAGCOR chief Alejandro Tengco, ang naturang halaga ay hindi nakolekta noong nagdaang admisnitrasyon dahil noong pandemiya ay nawala na lamang aniya ang mga ito na parang bula, nagsara ng kanilang shop at tumakas.
Isiniwalat ito ng PAGCOR official sa House appropriations panel sa ikalawang araw ng deliberasyon ng panukalang pambansang pondo para sa 2024.
Aniya, imposible ng makolekta ang bilyun-bilyong halaga. Sinabi din nito na nang maupo siya sa pwesto noong nakalipas na taon, nagdeploy ito ng isang team para tignan ang kaso ng pagkawala ng kompaniya ng POGO pero nabigo silang matunton ang mga indibidwal na kabilang sa POGO licensee dahil lahat ng mga ito ay mga dayuhan na umalis na ng bansa kayat hindi na mahahabol pa ang mga ito.
Ang naturang licensee din ay nag-operate lamang sa loob ng walang buwan sa bansa.
Sa kabila nito, inilagaw na aniya ang naturang kompaniya sa blacklist at naprevoke na ang kanilang lisensiya.
Samantala, sinabi din ng PAGCOR official nasa anim na POGO licensees na ang kanilang napahinto ngayong 2023 kabilang ang nasa Clark na umano’y sangkot sa scam at mga aktibidad ng human trafficking.