Idineklarang void o walang bisa ng Regional Trial Court (RTC) Branch 111 sa Tarlac ang birth certificate ni dating Bamban, Tarlac Mayor Alice Guo noong Setyembre 24, 2025.
Ito ang kinumpirma ni National Statistician at Civil Registrar General Undersecretary Claire Dennis Mapa, matapos maghain ng petition ang Office of the Solicitor General (OSG) at Philippine Statistics Authority (PSA) noong Hulyo 4, 2024 para kanselahin ang birth registration ni Guo.
Sa pagbusisi ng Senado sa panukalang pondo ng Department of Economy, Planning, and Development (DEPDev) para sa 2026, sinabi ni Mapa na ito ay magandang balita sa gobyerno dahil pinatutunayan nito na peke at hindi valid ang ipinasa ni Guo na certificate of live birth.
Samantala, iniulat din ni Mapa na mula sa mahigit 50,000 birth certificates na sinuri, nasa 840 ang natukoy na “highly irregular,” at dalawa na rito ang pormal nang inendorso para kanselahin.
Inihayag ni Mapa na mahigit 1,000 sa mga kuwestiyonableng birth registrations ay mula sa Davao del Sur—na katumbas ng halos 70% ng kabuuang kaso.
Giit naman ni Senador Sherwin Gatchalian, hindi ito basta simpleng clerical error kundi malinaw na “deliberate and malicious” na manipulasyon.
Dagdag pa ni Mapa, iniimbestigahan na ng National Bureau of Investigation (NBI) ang mga sangkot na tauhan ng ilang Local Civil Registry Offices (LCRO), at mayroon nang mga kasong naisampa laban sa kanila.
Apat na indibidwal ang pinangalanan sa reklamo, kabilang ang dalawang opisyal mula sa isang LCRO.
Tiniyak ng opisyal na patuloy ang kanilang pakikipagtulungan sa Bureau of Immigration (BI), Department of Foreign Affairs (DFA), at iba pang ahensya para masawata ang mga kahina-hinalang birth registrations, partikular na ang mga late registrations na ginagamit umano ng mga banyaga upang makalusot sa sistema ng bansa.