-- Advertisements --

Sumipa na sa mahigit 800 katao ang iniulat ng mga awtoridad na nasawi at higit 2,800 ang nasugatan matapos ang isang magnitude 6.0 na lindol na yumanig sa silangang bahagi ng Afghanistan nitong Lunes, Setyembre 1, 2025.

Ang sakuna ay lalo pang nagpabigat sa kalagayan ng pamahalaang Taliban na humaharap na sa matinding krisis tulad ng kagutuman, kasabay ng pag-unti ng internasyonal na tulong at sapilitang pagpapauwi ng mga Afghan mula sa mga karatig-bansa.

Ayon sa tagapagsalita ng health ministry na si Sharafat Zaman, nangangailangan sila ng tulong mula sa iba’t ibang bansa upang matugunan ang lawak ng pinsala.

Naitala ang pinakamatinding pinsala sa mga lalawigan ng Kunar at Nangarhar, kung saan tatlong baryo sa Kunar ang tuluyang nawasak. Nasa 610 ang namatay sa Kunar at 12 naman sa Nangarhar.

Ayon naman sa Ministry of Defense, 40 rescue flights ang isinagawa, na naglipat ng humigit-kumulang 420 katao na nasawi at sugatan.

Magugunita na simula nang maupo sa kapangyarihan ang grupong Taliban noong 2021, ito na ang ikatlong malaking lindol na tumama sa bansa.

Gayunpaman, malaki ang ibinaba ng humanitarian aid —mula sa $3.8 billion noong 2022, naging $767 million na lamang ito ngayong taon.