-- Advertisements --

Umapela na ng tulong ang Taliban government kasunod ng tumamang magnitude 6.0 na lindol sa eastern Afghanistan, gabi (local time), nitong Linggo, Agosto 31.

Kumitil na ang naturang lindol ng 20 katao habang mahigit 100 naman ang isinugod sa mga pagamutan at kasalukuyang nilalapatan ng lunas sa kanilang natamong injuries. Daan-daan ring mga kabahayan ang gumuho at pinangangambahang lolobo pa ang bilang ng mga nasawi.

Kaugnay nito, hinihimok ngayon ng mga opisyal ng Taliban ang mga humanitarian organisations na tumulong sa isinasagawang rescue effort sa malalayo at bulubunduking mga lugar na maaari lamang marating sa pamamagitan ng mga sasakyang panghimpapawid dahil sa landslide dulot ng pagbaha at aftershocks.

Humiling din ang Taliban ng tulong mula sa international organisations para magbigay ng helicopters para marating ang mga apektadong lugar dahil limitado lang aniya ang kanilang resources.

Base sa report, naitala ang mga nasawi sa malakas na pagyanig sa mga probinsiya ng Nangarhar at Kunar sa eastern Afghanistan na malapit sa may border nito sa Pakistan.

Ang episentro ng lindol ay 27 kilometers o 17 milya mula sa Jalalabad, ang kabisera ng Nangarhar province at ikalimang pinakamalaking siyudad ng Afghanistan.

Ang mga pagyanig ay karaniwang tumatama sa Afghanistan dahil ito ay nakapaloob sa major fault lines kung saan nagsasalubong ang Indian at Eurasian tectonic plates.