Nasawi ang 68 migrante mula sa Africa habang 74 iba pa ang nawawala matapos tumaob ang kanilang sinasakyang bangka malapit sa Yemen.
Kinumpirma ni International Organization for Migration head sa Yemen na si Abdusatoor Esoev na may sakay na 154 Ethiopian migrants ang naturang vessel na lumubog sa may Gulf of Aden malapit sa southern province ng Abyan sa Yemen umaga nitong linggo.
Ang katawan ng 54 na migrante ay naanod sa mga pampang sa distrito ng Khanfar habang ang 14 na iba pa ay natagpuang wala ng buhay at dinala sa morgue sa Zinjibar.
Tanging 12 migrante lamang ang nabuhay sa naturang trahediya habang ang nalalabi naman ay nawawala at pinaniniwalaang patay na. Naglunsad naman ng malawakang search and rescue operation sa malaking bilang ng mga nasawi at nawawalang mga migrante.
Ang naturang trahediya ang pinakabago sa mga serye ng insidente ng mga lumubog na barko malapit sa Yemen na kumitil ng daan-daang migrante mula Africa na tumatakas mula sa labanan at kahirapan sa pag-asang mararating ang mayamang mga bansa sa Gulf Arab.
Sa kabila ng mahigit dekada ng civil war, pangunahin pa ring ruta ng mga migranteng nagmumula sa East Africa at Horn of Africa ang Yemen sa pagtatangkang marating ang Gulf Arab countries para doon magbagong-buhay at magtrabaho.
Madalas na sinusuong ng mga migrante ang mapanganib at siksikang mga bangka para lamang makatakas sa sigalot at dinadala sila ng mga smuggler at idinadaan sa Red Sea o Gulf of Aden.