-- Advertisements --

CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit 33,000 baboy ang isinailalim sa culling sa Region 2 bunsod ng African swine fever (ASF).

Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, sinabi ni Regional Executive Director Narciso Edillo ng DA Region 2 na aabot na sa 33,946 na baboy ang nai-cull sa lambak ng Cagayan.

Aniya, sa 28 lokal na pamahalaan sa lalawigan ng Cagayan ay walo ang naapektuhan ng ASF na kinabibilangan ng 21 barangays.

Aabot naman sa 1,582 na baboy ang nai-cull at 396 ang apektadong hog raisers.

Pinakamarami sa Isabela dahil 32 sa 37 lokal na pamahalaan na ang naapektuhan.

Nasa 309 na barangays sa mga bayan at lungsod ang apektado at 31,669 na baboy ang nai-cull habang 4,846 na hog raisers ang naapektuhan.

Sa Quirino naman ay naapektuhan ang lima sa anim na lokal na pamahalaan kung saan 45 barangays ang apektado.

Aabot naman sa 2,570 ang nai-cull na baboy at 318 ang apektado.

Pinakahuling probinsya sa rehiyon na naapektuhan ng ASF ang Nueva Vizcaya.

Sa 15 lokal na pamahalaan ng probinsya ay siyam ang apektado pangunahin na ang 25 barangays.

Aabot naman sa 2,099 na baboy ang naisailalim sa culling at 362 hog raisers ang apektado.

Sa kabila nito ay tiniyak ng DA Region 2 na sapat ang suplay ng karne ng baboy sa kapaskuhan at pagsalubong sa bagong taon sa kabila ng naitatalang kaso ng ASF sa lambak ng Cagayan.