CAUAYAN CITY – Umabot na sa mahigit 22,000 mag-aaral ang nakapag-enroll sa mga public at private schools sa Cauayan City.
Sa naging panayam ng Bombo Radyo Cauayan, inihayag ni Dr. Alfredo Gumaru Jr., Schools Division Superintendent ng Schools Division Office Cauayan City, sinabi niya na mahigit 21,200 sa naturang bilang ay nag-enroll sa mga public schools habang mahigit 1,400 ang naka-enroll sa private schools.
Dahil dito ay nasa 10,000 na lamang ang kanilang hahabulin para sa puntiryang bilang ng mga mag-aaral ngayon taon sa lunsod na 31,000 na estudyante.
Sa ngayon ay patuloy ang ginagawang remote enrollment ng Department of Education Cauayan City kung saan maliban sa pakikipag-ugnayan sa mga mag-aaral sa pamamagitan ng cellphone ay isa rin sa ginagawang hakbang ang paggamit ng drop box sa mga paaralan.
Nakikipagtulungan rin ngayon ang SDO Cauayan City sa mga opisyal ng barangay at Sangguniang Kabataan Officials para mapadali ang remote enrollment ng mga mag-aaral.
Inaasahan namang magkakaroon ng pagpupulong ang DepEd Cauayan City upang pag-usapan ang mga gagawing hakbang upang mapadali pa ang remote enrollment ng mga mag-aaral at makamit ang puntiryang bilang ng mga mag-aaral ngayong taon.