-- Advertisements --

TACLOBAN CITY – Aabot sa 2,121 na guro at school heads sa Eastern Visayas ang nanumpa sa tungkulin matapos ma-promote sa ilalim ng Expanded Career Progression (ECP) System ng pamahalaan.

Pinangunahan ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. ang seremonya sa Tacloban City, habang pinangasiwaan ni Education Secretary Sonny Angara ang panunumpa.

Tiniyak ng Pangulo ang tuloy-tuloy na suporta sa mga guro, kabilang ang mas malinaw na landas sa promosyon at dagdag na benepisyo.

Sa kabuuang bilang, 1,679 ang na-promote sa ECP track, at 442 naman sa non-ECP track. Pinarangalan din ang 26 na beteranong guro na may 12 hanggang 30 taon ng serbisyo.

Ayon sa Department of Education (DepEd), kabilang sa mga naitaas ang ranggo mula Teacher I hanggang VII at Principal I hanggang IV, alinsunod sa Executive Order No. 174 (s. 2022). Dalawa rin ang mula sa programang “Sa Pinas Ikaw ang Ma’am at Sir” (SPIMS), na nagbabalik-serbisyo sa mga gurong OFW.

Target ng DepEd ang hanggang 100,000 promosyon ngayong taon.

Matatandaang mahigit 65,000 na ang na-promote mula Agosto 2025 hanggang Abril 2026.

Kabilang din sa mga hakbang ang pagbibigay ng ₱10,000 teaching supply allowance para sa school year 2025–2026.

Kasabay nito, inilunsad sa Tacloban ang programang “Balik Turo: A Hero’s Journey Home”, na bahagi ng Bayanihan para sa Balikbayang Manggagawa National Reintegration Network (NRN), na naglalayong tulungan ang mga gurong OFW na makabalik sa lokal na sistema ng edukasyon.