Nakapagtala ng nasa 210 na mga bagong kaso ng COVID-19 sa bansa ang Department of Health (DOH) noong araw ng Sabado, Abril 23, 2022, na magdadala naman sa 3,684,300 na kabuuang bilang ng ga kaso nito sa buong Pilipinas.
Makikita sa pinakahuling datos ng kagawaran na bumaba na sa 14,696 ang bilang ng mga aktibong kaso sa bansa mula sa dating 15,782 na mga kaso na naitala naman noong nakaraang Biyernes.
Ang National Capital Region (NCR) pa rin ang nangunguna sa may pinakamaraming kaso ng nasabing sakit na nasa 1,103, na sinundan naman ng Region IV-A na may 461, at Region III na may 313 na mga kaso.
Samantala, nasa kabuuang 3,609,425 na mga pasyente naman ang gumaling na habang umakyat naman sa 60,179 ang bilang ng mga nasawi nang dahil pa rin sa nakamamatay na sakit.
Nabawasan din sa 16.5% ang bed occupancy rate ng bansa, kung saan ay nasa 5,304 ang bilang ng mga occupied bed habang nasa 26,833 naman ang kasalukuyang bakante.
Patuloy pa rin naman na nagbabala ang DOH sa publiko na magpatuloy sa mahigpit na pagsunod sa mga ipinatutupad na health and safety protocols ng pamahalaan upang makaiwas sa panganib na dala ng coronavirus disease at para rin sa tuluy-tuloy na pagbaba ng mga kaso nito bansa.