-- Advertisements --

LAOAG CITY – Tiniyak ni P/Col. Frederick Obar, Provincial Director ng Ilocos Norte Police Provincial Office, na handa ang Philippine National Police (PNP) mula pa noong pagdating ng mga delegado sa lalawigan para sa Palarong Pambansa noong Mayo 15.

Ayon kay P/Col. Obar, may kabuuang 1,400 personnel ang naitalaga sa buong lalawigan upang tiyakin ang seguridad ng mga kalahok kung saan kabilang sa mga ito ang augmentation mula sa Bureau of Fire Protection (BFP), Philippine Army at Philippine Coast Guard.

Nakapuwesto sila sa iba’t ibang billeting areas at lugar ng paligsahan.

Sabi nito a magmula ng sila ay nag-deploy ng mga PNP personnel ay wala pa silang naitatalang problema.

Mahigpit ang ipinatutupad na seguridad lalo’t inaasahan na darating ang mga VIP kabilang na si Pangulong Ferdinand ‘Bongbong’ Marcos Jr.

Tanging ang mga accredited personnel lamang, kasama ang mga delegado, opisyal at coaches, ang pinapayagang makapasok sa mga pasilidad tulad ng Ferdinand E. Marcos Memorial Stadium (FEMMS).

Samantala, kaninang umaga, bandang 10:36 AM, niyanig ng magnitude 5.4 na lindol ang bahagi ng West Philippine Sea malapit sa Luna, La Union at naramdaman ito dito sa Ilocos Norte.

Dahil dito, agad na nagpadala ng inspeksyon ang Incident Command Post (ICP) kasama ang BFP at Regional Safety Officers sa lahat ng billeting areas at venues ng palaro dito sa Ilocos Norte kabilang ang FEMMS upang matiyak ang kaligtasan ng lahat.

Sa ngayon, walang naiulat na nasugatan o anumang malaking pinsalang estruktural. Ligtas ang lahat ng delegado at walang dahilan para sa pangamba.

Pinaalalahanan naman ng Regional Incident Management Team (RIMT) ang lahat ng kalahok mula sa iba’t ibang paaralan na sundin ang mga itinalagang earthquake response protocols at manatiling alerto.

Dagdag pa ng RIMT na ang kaligtasan ang pangunahing prayoridad nila at maglalabas sila ng mga karagdagang update kung kinakailangan.