CAUAYAN CITY – Mayroon ng gabay ang mga kasapi ng Station one ng Santiago City Police Office sa pinaghihinalaang nagnakaw sa pera at cellphone ng magkasintahang nagcheck-in sa isang hotel sa Barangay Rizal, Santiago City.

Sa nakuhang impormasyong ng Bombo Radyo Cauayan sa Station one, mismong ang pamunuan ng nasabing hotel ang nag-ulat sa himpilan ng pulisya hinggil sa nasabing pangyayari.

Sa isinagawang imbestigasyon ng Police Station 1, nagcheck-in ang magkasintahan sa hotel upang magpalipas ng gabi nang biglang magising ang babae at nakitang nawawala na ang kanyang sling bag.

Ayon sa biktima, naglalaman ang naturang bag ng dalawang cellphone at perang nagkakahalaga ng P6,500.

Maging ang cellphone ng lalaki na inilagay sa gilid ng kama ay ninakaw din ng pinaghihinalaan.

Lumabas din sa pagsisiyasat ng pulisya na hindi naisara ng magkasintahan ang pinto ng kanilang inupahang kuwarto kung saan dumaan ang pinaghihinalaan.

Batay sa kuha ng CCTV Camera, matagumpay pang nakadaan papalabas ang suspek dahil tulog ang security guard ng nasabing hotel.

Ang suspek ay nakasuot ng shorts, jacket, face mask at sumbrero.