-- Advertisements --

LEGAZPI CITY – Patay ang dalawang batang babae na edad walo at siyam na taong gulang matapos ang pananaksak sa Barangay Western Poblacion, Baras, Catanduanes.

Nangyari ang insidente, dakong alas-10:30 kagabi.

Suspek sa pananaksak ang sariling ama ng mga bata na kinilala lamang sa pangalang “Rol”, 45.

Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay Capt. Mark Barlis, hepe ng Baras PNP, mismong ang asawa ng suspek na nagtatrabaho sa Doha, Qatar ang tumawag sa kanilang himpilan para magpasaklolo.

Naka-videocall umano kasi nito ang asawa at nakitang naglalaslas.

Agad namang rumesponde ang mga operatiba na naabutang nakasarado ang buong bahay.

Dinatnan pa sa lugar ang batang babae na nakahandusay sa lapag at naliligo sa sariling dugo.

Nang tangkang aarestuhin, umatake ang suspek sa mga pulis gamit ang kutsilyo kaya’t pinaputukan ito ng mga otoridad na nagtamo ng tama sa kanang bahagi ng hita.

Ginagamot na ngayon sa ospital ang suspek habang inihahanda na rin ng pulisya ang kaso.

Sa kasalukuyan, hindi pa malinaw ang motibo o dahilan sa insidente.

Samantala, isasailalim na rin sa otopsiya ang bangkay ng magkapatid.