CAGAYAN DE ORO CITY – Patay ang magkapatid matapos malunod habang naliligo sa Gemini beach, Purok 4, Poblacion, Gitagum, Misamis Oriental sa unang araw ng taong 2020.

Kinilala ni Gitagum Municipal Police Station investigator Staff Sargeant Jay Manggubat ang mga namatay na sina Paterno Ramos Jr, 28, may asawa at John Kimber Ramos, 16, na residente sa Purok 4, G. Pelaez sa naturang lungsod.

Sinabi ni Manggubat na naliligo sa dagat ang magkapatid kasama ang kanilang mga barkada upang ipagdiwang ang bagong taon.

Aniya, hindi umano namalayan ng mga biktima na biglang lumakas ang alon habang lumalangoy sa malalim na bahagi ng dagat.

Dagdag pa ng imbestigador na posibleng pinulikat ang binti ng mga biktima kung kaya’t nalunod na nagresulta sa kanilang pagkamatay.