LAOAG CITY – Tiwala si Pol. Col. Ysmael Yu, ang spokesperson ng Philippine National Police na epektibo at kwalipikado si Major General Debold Sinas bilang bagong PNP Chief.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Laoag kay Col. Yu, sinabi nitong marami nang magagandang nagawa si Sinas lalo na sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga at insurhensya.
Iginiit pa nito na tapat si Sinas sa kanyang trabaho o serbisyo na una na ring inihayag ni Pangulong Rodrigo Duterte at posibleng ito rin umano ang isa sa mga dahilan kung bakit si Sinas ang napili ng punong ehukutibo na bagong mamumuno sa pambansang pulisya.
Inaasahan pa umano ni Yu na ipagpapatuloy ni Sinas ang nasimulan ni outgoing PNP Chief Gen. Camilo Cascolan tulad ng pagbibigay ng mga operational equipments sa mga iba’t-ibang PNP stations sa buong bansa, at papalakasin pa umano ng bagong PNP Chief ang kampanya laban sa iligal na droga, korapsyon at mga iligal na aktibidad.
Dagdag pa ni Yu na malaki ang tiwala ni Pangulong Duterte kay Sinas.
Samantala, iginiit ni Yu na walang kasalanan si Sinas sa kontrobersiya na kinasangkutan nito noong kasagsagan ng mahigpit na community quarantine o ang mañanita nito na binatikos ng publiko.