Nakatakdang magpakawala ng tubig ang Magat Dam ngayong araw, August 7, ayon sa National Irrigation Administration (NIA).
Batay sa isang advisory na inilabas ng NIA-MARIIS, isasagawa ang pagpapakawala ng tubig sa nasabing dam pasado alas-dos ng tanghali (2:00PM).
Ito ay para mapanatili ang ligtas na antas ng tubig sa Magat Dam kung saan nasa 200 cubic meters per second (CMS) ang papakawalang tubig na maaari rin na madagdagan depende sa lakas ng ulan sa Magat Watershe nang dahil sa mga pag-ulan na dulot ng low pressure area at hanging Habagat.
Samantala, patuloy naman ang paalala ng mga kinuukulan sa lahat ng mag residente na iwasan muna ang pagtawid, pamamalagi, at pagpapastol ng mga alagang hayop sa ilog o katabi nito bilang pag-iingat at pag-iwas na rin sa anumang uri ng sakunang maaaring idulot ng pagtaas ng tubig.
Matatandaan na una rito ay mayroon nang namataan ang Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA) na LPA na matatagpuan sa layong 320 kilometro sa may kanlurang bahagi ng Dagupan City bandang alas-3 ng hapon ng Sabado.