-- Advertisements --

Iminungkahi ni Baguio City Mayor Benjamin Magalong na ipatawag ng Independent Commission on Infrastructure (ICI) si dating Marikina Rep. Stella Quimbo upang magpaliwanag kaugnay ng umano’y P300 milyong pondong inilaan sa kanya mula sa Medical Assistance for Indigents Program (MAIP) ng Department of Health (DOH).

Sa isang panayam, inamin ni Magalong na ikinagulat niya ang isang dokumentong nagpapakita na may malaking halagang inilaan kay Quimbo, dahilan upang kuwestyunin niya ang patas na pamamahagi ng MAIP funds.

“Isa sa mga dapat nilang imbitahan d’yan ay si former Cong. Stella Quimbo. Nagulat ako, I saw a document na sa DOH ‘yung MAIP funds. ‘Di ba dapat laging equitable distribution ‘noh? But surprisingly, meron siyang P300M na nakuha, na na-allocate sa kanya. Ganon sila ka-powerful,” sabi ni Magalong.

Nang tanungin kung totoo ang naturang dokumento, sinabi ni Magalong na nakita niya ito, ngunit nilinaw na maaari itong beripikahin. Gayunpaman, iginiit niyang hindi ito tumutugma sa prinsipyo ng patas na distribusyon ng badyet.

“Dapat ang pinag-uusapan natin dito, dapat equitable eh, pero hindi equitable ‘yon eh,” dagdag pa niya.

Nauna nang binanggit ni Navotas Rep. Toby Tiangco si Quimbo bilang isa sa mga miyembro ng maliit na komiteng gumawa ng ilang “insertions” sa pambansang badyet para sa taong 2025.

Ayon pa sa mga ulat, nakapagpagawa si Quimbo ng apat na proyekto sa kanyang distrito sa pamamagitan ng mga kumpanyang pag-aari nina Sarah at Curlee Discaya, ang mga kontratistang sangkot umano sa ilang iregularidad sa budget.

Patuloy ngayong iniimbestigahan ng ICI ang mga anomalya sa flood control projects sa ilalim ng Department of Public Works and Highways (DPWH). Ilan na ring opisyal at personalidad ang ipinatawag bilang mga resource persons sa nagpapatuloy na imbestigasyon.

Sa ngayon, wala pang pahayag si Quimbo tungkol sa mga akusasyon. Si Zaldy Co, isa pang mahalagang personalidad sa imbestigasyon, ay nasa labas pa rin ng bansa at hindi pa humaharap sa naturang komite.

Si Stella Quimbo ay nagsilbi bilang kinatawan ng ikalawang distrito ng Marikina mula 2019 hanggang 2025. Nabigo siyang manalo sa kanyang pagtakbo bilang alkalde noong halalan nitong 2025.