-- Advertisements --

Ipinahayag ni House Ways and Means Chairman at Marikina Rep. Miro Quimbo na layon ng Kongreso na maisulong ang panibagong “Bayanihan 3” bilang tugon sa kasalukuyang hamon sa ekonomiya at pagtaas ng presyo ng langis.

Ayon kay Quimbo, inaasahang magsisimula ang pormal na pagtalakay ng mga komite sa Abril 8, habang tuloy-tuloy na ang konsultasyon sa mga eksperto upang mabuo ang panukala.

Ipinaliwanag niya na hindi lamang direktang ayuda ang tututukan ng Bayanihan 3, kundi pati ang pagpapatupad ng matagal nang kinakailangang reporma, kabilang ang pagbuo ng isang digital o electronic subsidy system na nakaangkla sa National ID upang mas mabilis at target ang pamamahagi ng tulong.

Binigyang-diin din ng mambabatas ang pangangailangang tukuyin ang mga sektor at industriyang lubhang apektado ng krisis, at maghanap ng pondo mula sa mga “windfall” gaya ng pagtaas ng VAT collection at kita mula sa foreign reserves.

Dagdag pa niya, mahalaga ring palakasin ang kakayahan ng bansa na makabangon sa krisis sa pamamagitan ng pagpapaunlad ng alternatibong enerhiya tulad ng solar, geothermal, at natural gas, gayundin ang pagtatatag ng pambansang reserba ng petrolyo.

Samantala, sinabi ni Quimbo na pinag-aaralan pa ng Kongreso ang posibleng pagtanggal o pag-adjust ng VAT sa petrolyo, ngunit aminado siyang komplikado ito dahil ipinapasa ang buwis sa mga mamimili.

Samantala, kaugnay ng pangamba sa pagtaas ng presyo ng bilihin, binanggit ni Quimbo ang mungkahing isama ang produktong petrolyo sa listahan ng basic necessities at prime commodities upang mas mapalakas ang monitoring at regulasyon.

Ayon sa mambabatas, mahalaga ito upang mabigyan ng sapat na kapangyarihan ang Department of Trade and Industry at mga lokal na pamahalaan na bantayan at pigilan ang posibleng pang-aabuso sa presyo ng langis.

Dagdag pa niya, isa ito sa mga panukalang maaaring mabilis na maisabatas upang maprotektahan ang mga mamimili laban sa biglaang pagtaas ng presyo.