Isinumite na ng Independent Commission for Infrastructure (ICI) ang pinal na ulat nito sa imbestigasyon sa maanomaliyang flood control projects kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., ayon kay Batangas 1st District Rep. Leandro Legarda Leviste.
Aniya, nasa kamay na ng Pangulo ang pagpapasya kung ilalabas niya ito sa publiko.
Ayon pa sa mambabatas, may kalakip na banta ang paglalabas ng final report para sa komisyon dahil maaari aniyang gumanti ang mga responsable sa korapsiyon sa Department of Public Works and Highways sakaling pangalanan ang mga ito.
Sa kabila nito, binigyang diin din ni Rep. Leviste ang kahalagahan ng paglalabas ng final report kasama ang transcripts ng lahat ng pagdinig ng ICI.
Nagpahayag din ng pagkalungkot ang mambabatas na natapos na ang trabaho ng komisyon nang walang closure sa isyu sa flood control projects.
Saad ni Leviste, ang tahimik na pag-alis ng komisyon, ng walang pormal na executive order mula sa Malacañang ay nagiiwan ng urgent concerns sa mga hinaharap na imbestigasyon sa korapsiyon sa flood control projects.
Ang pagtatapos aniya ng komisyon nang walang transparency o tamang proseso, ay nagpapahinto sa mga imbestigasyon kaugnay sa umano’y overpricing, ghost projects at kickbacks, mga isyu na matagal nang nagpapahirap sa public works.
Iginiit ni Leviste na ang pag-utos sa mga empleyado na umalis nang tahimik, nang walang malinaw na direktiba ay nagpapahina sa tiwala sa mga komitment ng gobyerno para sa reporma. Ito ay hindi lamang aniya katapusan ng isang komisyon, kundi ito ay pagpapatahimik sa pananagutan














