Hinimok ng Bangko Sentral ng Pilipinas (BSP) ang publiko na isaayos ang pag-iipon ngayong panahon ng pandemya.
Lumalabas kasi na marami ang nag-iipon ngunit nakalagay lamang ito sa mga piggy bank, jar o anumang container sa mga bahay.
Ayon kay BSP Governor Benjamin Diokno, maliban sa hindi ito nakakatulong sa pagpapalago ng ekonomiya, nagiging problema pa ng gobyerno kung magiging kalakaran na sa marami.
Nagiging limitado kasi ang umiikot na pera sa merkado dahil sa artificial shortage ng coins at bills.
“The unnecessary accumulation of banknotes and coins prevents Philippine currency from being recirculated and used as payment instrument,” wika ni Diokno.
Sa ganitong punto, napipilitan umano ang BSP na gumastos para sa paglalabas ng bagong mga pera na iikot sa merkado.
Para sa BSP head, mas may pakinabang sa estado at sa mismong nag-iipon kung ilalagak ito sa bangko.
Maliban sa iikot ang pera na mahalaga sa ekonomiya, nababantayan din umano ito sa pamamagitan ng Philippine Deposit Insurance Corporation (PDIC) at nagkakaroon pa ng interest ang inilalagak na salapi.