-- Advertisements --

Inatasan ni Cebu City Mayor Edgar Labella ang iilang mga departmento at opisina ng City Government sa pagpatupad ng immediate at long term na mga solusyon sa baha sa lungsod matapos matindi itong naranasan nitong Martes.

Ito ang naging pahayag ni Labella matapos itong nagpatawag ng emergency meeting sa iilang mga pinuno ng department at offices ng lungsod gaya ng Department of Engineering and Public Works (DEPW) at Cebu City Disaster Risk Reduction Management Office(CCDRMO).

Ayon sa alkalde na kinailangang may mabilisang aksyon at makapaghanda kung sakaling may mangyaring mga sakuna o emerhensiya.

Kasabay ng isinagawang pagpupulong, iprinisenta ng Chairman sa Committee on Infrastructure Jerry Guardo ang mga long term solution kabilang ang pag-implement sa 3-meter easement sa mga ilog upang mapalawak at para lumalim pa ang mga ito.

Sinabi pa ng Konsehal na ang mga informal settlers ang naging dahilan na napigilan ang nasabing proyekto sapagkat naninirahan ito malapit sa ilog.

Samantala, inihayag naman ni Ramil Ayuman, pinuno ng CCDRMO na patuloy pa rin ang kanilang operasyon kasama na dito ang isinagawang search and retrieval operation sa isang 16-anyos na lalaking na missing dahil sa naranasang pagbaha.